100 Muslim sasanayin, gagawing mga ‘peacemaker’

Mahigit sa isang-daang Muslim ang isasailalim sa pagsasanay sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang lumaban sa mga krimeng nagaganap sa lungsod.

Kahapon, nakipagpulong kay Manila Mayor Lito Atienza Jr. ang may 160 Muslim na tinawag na "peacemaker" sa pangunguna ni Suharto Bulig na siya ring chairman ng Manila Peacemaker.

Ayon sa alkalde, ang naturang mga Muslim ay sasailalim sa pagsasanay upang siyang lalaban sa mga petty crime sa Maynila.

Kabilang sa pagsasanay na gagawin ng mga miyembro ng "peacemaker" ang arnis kung saan tuturuan sila ni Ali Atienza na siyang chairman ng Manila Sports Council.

Ang arnis ang siyang gagamitin ng mga ito na pang-self defense sa mga kriminal na kanilang makakaharap at bilang pang-disiplina na rin sa mga snatcher, holdaper at iba pang masasamang elemento.

Nabatid na magkakaroon din ng sariling uniporme ang mga miyembro ng peacemaker mula sa damit hanggang sa sapatos na gagastusan naman ng pamahalaang lokal.

Bukod dito, ang mga peacemaker din ang siyang magsisilbing pulis kapag abala ang kapulisan sa mga rally kung saan hindi nila mapagtuunan ang mga petty crime sa Maynila. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments