^

Metro

Bitay sa ex-solon, 6 pa

-
Hinatulan ng kamatayan ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) si dating Mindoro Congressman Jose Villarosa at anim pang kasama nito matapos na mapatunayang nagkasala sa pagpaslang sa dalawang anak ng kanyang kalaban sa pulitika na si Ricardo Quintos Sr. sa Mamburao, Occidental Mindoro.

Sa 86-pahinang desisyon ni QCRTC Judge Ma. Theresa Yadao, walang dudang nagkasala sina Villarosa, Barigueco Calara, Manolito Matricio, Mario Tobias, Ruben Balaguer, Eduardo Hermoso at Gelito Bautista sa pagpaslang kina Paul, 31; at Michael Quintos, 27.

Bukod sa bitay, inutusan din ng korte ang mga akusado na magbayad ng tig-P100,000 bilang moral damages at P279,845 para sa actual damages.

Lumilitaw na bukod sa extra-judicial statement ng akusadong si Hermoso, napatunayan ding magkakilala sina Villarosa at Matricio mula pa noong 1992 dahil ito ay supporter ni Villarosa. Lumabas din na ang motibo ng pamamaslang ay pulitika at away sa lupa na pinatunayan din ni Matricio.

Sa testimonya ni Hermoso, sinabi nito na ang pagpatay ay plinano noong Oktubre 7, 1997 sa warehouse sa Brgy., Burgos, Sablayan, Occidental Mindoro kung saan naroon ang lahat ng akusado.

Inamin nito na mismong si Villarosa ang nag-utos ng pagpatay sa magkapatid dahil matagal na umanong kaaway sa pulitika ng una ang ama ng mga biktima sa Mindoro. Aniya, ang L-300 na ginamit na get-away car matapos ang pagpatay ay pag-aari ni Villarosa.

Batay sa rekord ng korte, naganap ang pamamaslang noong Disyembre 13, 1997 nang dumalo ang magkapatid sa isang kaarawan sa Brgy. 5 Mamburao, Occidental Mindoro.

Nabatid na si Matricio ang siyang bumaril kay Michael.

Ayon naman kay Villarosa, walang katotohanan ang alegasyon laban sa kanya dahil kasalukuyan siyang nasa Kongreso noong Oktubre 7, 1997 nang maganap ang sinasabing pagpaplano sa pagpatay. Subalit lumilitaw na wala umanong rekord ang Kamara nang pagpasok ni Villarosa sa Batasan Complex.

Sinabi ni Judge Yadao na napatunayan ding nagkaroon ng sabwatan nang isagawa ang krimen. "The act of one is the act of all", dagdag pa nito.

Wala namang nakitang anumang emosyon mula kay Villarosa subalit sinabi nito na "unfair" ang naging desisyon ng korte.

Pinabulaanan din ng misis nito na si Rep. Amelita Villarosa ang akusasyon at ang sabwatan.

Ang pito ay agad na dinala sa New Bilibid Prison habang awtomatiko naman itong rerebisahin ng Korte Suprema. (Doris Franche At Angie Dela Cruz)

AMELITA VILLAROSA

BARIGUECO CALARA

BATASAN COMPLEX

BRGY

DORIS FRANCHE AT ANGIE DELA CRUZ

EDUARDO HERMOSO

GELITO BAUTISTA

MATRICIO

OCCIDENTAL MINDORO

VILLAROSA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with