Inilagay na ni PCG commandant, Vice Admiral Arturo Gosingan ang lahat ng kanilang daungan at pier sa "red alert" status upang hindi magamit ng mga kalaban ng pamahalaan sa rebelyon.
Nabatid na binabantayan ngayon ng PCG ang posibilidad na gamitin ang mga pantalan at ang karagatan sa pagtatawid ng maaaring mabuong puwersa buhat sa mga probinsiya lalo na sa Mindanao patungong Maynila upang isakatuparan ang pagtataob sa pamahalaan.
Matagal na ring alingasngas na maaaring nakapag-recruit na ng mga sundalo na nakatalaga sa Mindanao ang mga pinuno ng rebeldeng sundalo lalo nat karamihan sa mga ipinapadala sa mga ito ay mga "Scout Ranger" ng Philippine Army na kinaaaniban nina Brig. General Danny Lim at Philippine Marines na kinaaaniban naman ni Col. Ariel Querubin.
Bukod dito, nagbabantay din ang PCG sa posibilidad na samantalahin din ng ibang grupo tulad ng mga terorista ang kaguluhan sa militar at pamahalaan sa pagsasagawa ng kanilang pagsalakay tulad ng pagpapasabog. Masusi rin ngayong iniinspeksiyon ang mga bagahe at mga cargo ng mga pasahero sa posibilidad na makasabat ng mga armas at iba pang kagamitan na gagamitin sa kudeta. (Danilo Garcia)