Kapwa ito kinumpirma kahapon ni AFP-PIO chief Col. Tristan Kison at Presidential Chief of Staff Michael Defensor base umano sa intelligence report na nakalap alinsunod sa nilalaman ng "Oplan Hackle".
Bahagi umano ng operasyon, ayon kay Kison ay ang pagsasagawa ng assassination attempt laban sa Pangulong Arroyo at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.
Nabatid pa sa opisyal na ang mga personalidad na nasa likod ng "Oplan Hackle" ay mga opisyal ng oposisyon, rightist at leftist na ibig agawin ang kapangyarihan kay Pangulong Arroyo.
Sinabi pa nito na nadiskubre rin ang "Oplan Hackle" ay ang gawing "jumping board" ng planong assassination ay ang pagdiriwang ng Philippine Military Academy Alumni Homecoming sa Baguio City ngayon dahilan sa maraming dadalong VIPs dito partikular na ang mga kaalyado ng Pangulo.
Bunga nito ay daang mga sundalo mula sa 71st at 73rd Rescue Company, 1st Special Forces Company, isang team ng Armored Brigade at 103rd Brigade ng AFP-Northern Luzon Commands na pawang naka-full battle gear ang itinalaga sa loob ng PMA upang supilin ang nasabing banta.
Samantala, itinaas na kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa heightened alert status ang buong puwersa nito sa Metro Manila kasunod ng pagkakabulgar ng ikinakasang "Oplan Hackle", kudeta at iba pang banta sa seguridad upang patalsikin sa kapangyarihan si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa panayam kay NCRPO chief Vidal Querol, nag-umpisa alas-6 ng umaga kahapon ang ipinatutupad na heightened alert kasabay ng pagpapakalat sa karagdagang 3,000 mga pulis.
Kasabay nito, tiniyak ni Querol na nakahanda ang kanilang puwersa na supilin ang anumang banta sa pambansang seguridad sa Metro Manila na kinaroroonan ng punong tanggapan ng gobyerno.
Bunga ng pagkakabulgar sa "Oplan Hackle" , sinabi ni Querol na lahat ng mga behikulo na papasok at lalabas sa Metro Manila ay isinailalim nila sa checkpoints.
Matatandaan na nitong nakalipas na Huwebes ay bantay sarado na ang Palasyo ng Malacañang sa anim na Armored Personnel Carrier (APC) ng AFP o ang mga tangkeng panggiyera ng militar bunga ng alingasngas na panibagong banta ng kudeta. (Joy Cantos at Lilia Tolentino)