4 na carjackers timbog

Patay ang isa, habang nadakip ang apat na suspect na responsable sa pamamaslang sa pamangkin ni Rep. Edgar Espinosa na si Richard Capili sa isang insidente ng carjack kamakailan sa Parañaque City.

Ayon sa ulat nadakip sina Roberto Jenoveadon Pepito, 46; Raymond Costino, 30; Ernesto Caballero at Victoriano Uy. Isa pa sa mga suspect ang nasawi at ito ay nakilalang si Esteven Liwanag.

Nabatid na natunton ng magkasanib na puwersa ng Calabarzon PNP, Parañaque Police at Traffic Management Group ng Region 1 habang patungo sa kanilang hide-out sakay ng Toyota Revo, may plakang WRY 883 sa bayan ng Palak, Brgy. Sto. Tomas, La Union ang mga suspect, kahapon ng madaling-araw.

Naispatan umano ng mga awtoridad ang grupo ng mga suspect na dala ang Toyota Revo na pag-aari ni Capili, 19, 3rd year nursing student.

Bago pa makalapit ang mga awtoridad ay pinaulanan na sila ng putok ng baril ng mga suspect kung kaya napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng pagpapaputok na naging sanhi ng pagkamatay ng isa sa mga carjacker.

Magugunitang sapilitang inagaw ng 4 na mga suspect sa biktima ang sasakyan habang ang una ay nakaparada sa parking area ng isang mall sa Parañaque City. Sinasabing hinihintay ni Capili ang kanyang kapatid na babae na mamimili noon sa mall.

Ayon sa ulat, nanlaban si Capili kung kaya binaril ito ng isa sa mga suspect. Mabilis na nagsitakas ang mga suspect dala ang sasakyan ng biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments