Naunang sinibak kamakalawa ng gabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Vidal Querol si Medina dahil umano sa nagkulang ito sa pagtupad ng tungkulin makaraang hindi madiskubre ang naturang drug den sa Brgy. Sto. Tomas na doon lantaran ang ginagawang bentahan ng shabu, gayundin ang paggamit nito.
Kahapon naman si Brgy. Chairman Jesus Viray ang sinuspinde ng Mayor.
"Nagkasundo ang konseho kahapon na magpapasa ng resolusyon upang suspendihin si Viray at iakyat ang kaso sa DILG," pahayag ni Eusebio.
Sa panig naman ni Viray, sinabi nitong wala pa siyang natatanggap na papel o utos mula sa alkalde subalit sinabi nito na kung mayroon man tatanggapin niya ito at handa siyang magsakripisyo basta malinis lang sa droga ang kanyang nasasakupan.
Pero sa isang radio interview kay Viray, binanggit nito na buwan pa lamang ng Agosto noong nakaraang taon, humingi na siya ng tulong sa pulis at sa tanggapan ni Mayor Eusebio tungkol sa problema sa droga sa kanyang nasasakupan.
Sa pagkakasibak kay Medina, umaabot na sa 20 tauhan ng pulisyua ang naalis sa puwesto dahil sa pagkakatuklas sa naturang drug den.
Magugunitang aabot sa 300 ang nadakip sa naganap na raid at aabot sa isang kilo ng shabu ang nasamsam.
Samantala, puspusan ang isinasagawang imbestigasyon ngayon ng pinagsanib na elemento ng PDEA at AIDSOTF upang matukoy kung sino ang big fish sa naturang shabu den. (Edwin Balasa)