Dahil sa 3-red roses empleyado dinedo

Nang dahil lamang sa tatlong pulang rosas ay nasawi ang isang 23-anyos na empleyado makaraang pagsasaksakin ito ng anim na kalalakihan na isa dito ay kasintahan ng babae na kanyang inabutan ng bulaklak, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Nakilala ang nasawi na si Francis Francisco, empleyado ng Harly Garbage Collection at residente ng Sta. Maria, Bulacan. Hindi na ito umabot ng buhay makaraang isugod sa Manila Central University sanhi ng tinamong mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa anim na mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang nasabing insidente.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang mangyari ang krimen sa panulukan ng EDSA at M. Ponce Sts., Bagong Barrio, Caloocan City.

Nabatid na bago nangyari ang insidente ay huling nakita ang biktima na nakikipag-inuman sa loob ng Touch Me Not Videoke Bar at bago umano lumabas sa nasabing bar ay nakita itong inabutan ng tatlong pulang rosas ang isa sa mga waitress dito.

Lingid sa kaalaman ng biktima ay nakaupo sa isang madilim na sulok ng bar ang kasintahan ng waitress kasama ang limang lalaki at nakita ang ginawa nitong pagbibigay ng rosas sa kasintahan.

Nang lumabas na ang biktima sa nasabing bar ay palihim na sinundan ito ng mga suspect at sa madilim na bahagi ng kalye ay pinagtulungan itong saksakin hanggang sa duguang humandusay sa kalsada.

Mabilis na tumakas ang mga suspect matapos ang ginawang krimen, habang ang biktima naman ay isinugod sa pagamutan subalit hindi na umabot pang buhay. (Rose Tamayo)

Show comments