Ayon sa pulisya inimbitahan nila sina Virgilio Tulawin, 34; at Richard Balisong, 32, matapos na ituro ni Borja na siyang pumaslang sa kanyang biyenan na si Narcisa Elpidez, 65; at sa misis na si Jonah, 32, at anak na si Juliana, 7-buwan.
Natagpuang naliligo sa dugo ang mga biktima bunga ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan at pukpok ng martilyo sa ulo. Binigti rin si Elpidez ng telephone cord.
Sinabi naman ni Tulawin na ang kanyang mga sugat sa braso at katawan ay nakuha niya mula sa pagkakamot bunga ng mga lamok sa kanilang lugar. Bagamat inamin nito na nawawala ang kanyang martilyo na pinaniniwalaan namang ginamit ng suspect sa pamamaslang.
Sinisiyasat naman ng QC-SOCO ang t-shirt nito na nakitaan ng bahid ng dugo. Itinanggi nito na may kinalaman siya sa naganap na pagmasaker sa tatlong biktima.
Ikinagulat naman ni Balisong ang pagdadawit sa kanya ni Borja sa krimen sa pagsasabing magkasama sila sa bahay ni Tulawin nang maganap ang krimen. Dalawang taon na siyang nangungupahan kay Elpidez subalit wala naman silang naging problema sa upa sa bahay. Aniya, mabait na kasera si Elpidez.
Sa ngayon ay nasa kustodya pa rin ng pulisya si Borja kung saan muli itong isasailalim sa imbestigasyon. (Doris Franche)