Ginang tinarakan ng lover, kritikal

Nasa malubhang kalagayan ang isang 43-anyos na ginang makaraang tarakan ito ng kutsilyo sa dibdib ng kanyang lover, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang si Janet Daoba, ng Gulayan St., Brgy. Catmon, ng nabanggit na lungsod sanhi ng malalim na saksak sa dibdib.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Ramon Ahitan, live-in-partner ng biktima.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:45 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa bahay ng biktima.

Napag-alaman na nairita umano ang suspect sa ginawang pagbubunganga sa kanya ng biktima.

At dahil sa lasing ng umuwi ang suspect agad itong kumuha ng kutsilyo sa kusina at saka itinarak sa babae bago ito mabilis na tumakas.

Isang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban sa suspect. (Rose Tamayo)

Show comments