Sinabi ng grupo na paraan nila ito upang makuha ang atensyon ng administrasyong Arroyo para sa kanilang mga kahilingan.
Kabilang umano rito ang tigilan na ang pag-aamyenda sa Konstitusyon, pagpapasibak kay AFP Chief of Staff General Generoso Senga at iba pang opisyal ng AFP at PNP.
Binigyan ng grupo ng taning ang pamahalaan hanggang Pebrero 22, 2006 sa ika-20 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution at kung hindi matutupad ay magsusunod-sunod ang paghahasik nila ng lagim.
Samantala, minaliit naman ni Manila Police District Director, Chief Supt. Pedro Bulaong ang naturang pagsabog. Sinabi nito na isang gang war lamang sa pagitan ng dalawang grupo ng kabataan ang naganap sa harapan ng CA building sa may panulukan ng Maria Orosa at Flores St., Ermita.
Sa imbestigasyon umano ng MPD-Explosive and Ordnance Division, isang saksi ang nakakita na isa sa mga tinedyer ang naghagis ng isang bagay sa sidewalk at saka narinig ang pagsabog. Nagkanya-kanyang takbuhan na umano ang mga kabataan para magsitakas ngunit wala namang nasaktan sa insidente.
Nakakuha umano ng mga piraso ng itim na electrical tapes na may plastic na siyang ginamit na pambalot, mga maliliit na pako at pira-pirasong bubog. (Danilo Garcia)