Color coding sa mga jeep, ipatutupad sa Pebrero

Simula sa susunod na buwan makikita na ang mga makukulay na pampasaherong sasakyan sa mga pangunahing lansangan sa bansa partikular sa Metro Manila.

Sa isang panayam, sinabi ni Zeny Maranan, Pangulo ng Federation of Jeepney Operator and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), magkakaroon na ng kanya-kanyang kulay ang bawat ruta ng jeep sa bansa. Ito ay tatawagin din nilang color coding.

Ang color coding sa mga jeep ay ipapatupad alinsunod sa rationalization program ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na layuning maalis na ang mga kolorum na sasakyan at mga jeep na pumapasok sa ibang ruta o out-of-line.

"Maganda ang programang ito dahil ang bawat ruta ay magkakaroon ng kulay ang mga jeep, halimbawa ang ruta ay Malabon-Divisoria kulay dilaw, Cubao-Quiapo, kulay pula. Bukod sa magandang tingnan, mabilis pang made-detect kung ang jeep ay di maaaring pumasok sa ibang ruta," ani Maranan.

Ayon kay Maranan, sticker na may kulay ang ididikit sa buong katawan ng jeep at ang gastos dito ay popondohan ng Department of Tourism (DOT) bilang isang paraan ng ahensiya na mapaganda ang tanawin dahil sa iba’t ibang kulay ng jeep sa isang lugar. Sa ngayon anya, isinasaayos nila ang bilang ng mga jeep sa bawat ruta para pakulayan alinsunod sa color coding na itatalaga sa isang lugar o ruta.

"Kahit bulok ang sasakyan, magtitinging maganda dahil dito, kaya nagustuhan din ng mga jeepney operators ang programa", dagdag pa ni Maranan. (Angie dela Cruz)

Show comments