Bumagsak ngayon sa NBI detention cell ang mga pekeng ahente na nakilalang sina Eden Asban y Macalino, alyas Eduardo Mallari, 31, binata, ng #3462 West Vigan St., Sta. Mesa, Manila; Glenden Batinga, 36, binata, ng #663 Paciyo St., Cainta, Rizal; at Rexam Bichiero, 41, walang trabaho at residente ng #84 Pedrocio St., Antipolo City.
Sa ulat ng Anti-Organized Crime Division, nabuko ang pagpapanggap ng tatlo matapos na magreklamo ang mga negosyante sa Antipolo City sa umanoy walang habas na pangingikil ng tatlo na nagpapakilalang mga ahente ng NBI.
Bukod dito, humihingi rin umano ng "protection money" ang grupo sa mga night clubs at sinasalakay din ang ibang establisimiyento nang walang kasong isinasampa kung saan nangingikil lamang ng pera.
Agad na nagsagawa ng surveillance ang NBI kung saan nadiskubre nila na ang mga ito ang umuokupa sa kanilang satellite office sa lungsod.
Dito na inaresto ang mga suspect kung saan nakumpiska sa grupo ang mga pekeng NBI identification cards, mga hindi dokumentadong baril at mga dokumento na ebidensiya ng kanilang extortion activities.
Nahaharap ngayon ang mga suspect sa kasong usurpation of authority at illegal possession of firearms sa Antipolo Prosecutors Office. (Danilo Garcia)