Ayon kay LTFRB Chairwoman Ma. Elena Bautista, dapat na umanong palitan ng mga bus operator ng mas bago ang lahat ng kanilang mga bus na tumagal na ng 15 taon dahil magdudulot lamang ito ng disgrasya at problema sa tinatayang 1.2 milyong pasahero sa kahabaan ng EDSA araw-araw.
Sa ngayon ay kasalukuyang ginagawa ang sunud-sunod na konsultasyon ng LTFRB at mga bus operator kung paano ito ipatutupad.
Samantala, sinabi naman ni Integrated Metro Bus Operators Association (IMBOA) President Claire dela Fuente na hindi pa pinal kung paano ang gagawing phase-out ng mga matatandang bus, kung ito ba ay uumpisahan sa petsa ng pag-manufacture nito o sa date na binili ito.
Aminado naman si dela Fuente na halos lahat ng mga bus dito ay imported at puro reconditioned lang o second-hand.
Tinatayang aabot naman sa mahigit 50 porsiyento sa mga bus sa kahabaan ng EDSA ang matatanggal kung matutuloy ang plano. (Edwin Balasa)