Kinilala ang mga biktima na sina Ma. Theresa Andrada, 27, ng #41 Aduana St., New Intramuros Village, Diliman, Quezon City; at Jason Torres, 26, ng #62 R. Pascual St., San Juan, MM, kapwa reporter ng ABC-5.
Ayon kay Supt. Rodelio Jocson, hepe ng San Juan police, huling nabiktima si Andrada nang holdapin ito noong Sabado ng madaling-araw sa Metrowalk Mall sa Pasig City at tangayin ang company issue cellphone nito na 02-XDA II PDA na nagkakahalaga ng P50,000.
Kinahapunan ng nasabing araw ay nagpunta sa Greenhills Shopping Center si Andrada upang bumili ng cellphone kapalit ng ninakaw at laking gulat nito nang makita niya ang ninakaw sa kanyang cellphone na naka-display sa Stall No. V-9 sa Centermall na pag-aari ni Abdulmalik Basher y Tumawis, 24, pamangkin ni Alip Partylist Congressman Acmad Tumawis, na residente ng San Juan na siyang gumitna upang magkaroon ng pag-uusap upang mapalitan ang nawalang cellphone.
Matapos makapagbigay ng P6,000 si Andrada para mapalitan ng kaparehas ding unit ng cellphone ay mas lalo itong namangha nang mapag-alaman na ang ipinalit sa kanyang cellphone na galling sa kabilang stall na pag-aari ng isang Kalic Sarip, 26, ay pag-aari naman ng kasamahan niyang si Torres na naholdap din kamakailan sa Pasig City.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong anti-fencing sa dalawang stall owner. (Edwin Balasa)