Sa ginanap na press conference kahapon, iniharap sa mediamen ni Col. Orlando de Leon, chief of staff ng Phil. Marines Corps ang nasagip na biktimang si Marine Technical Sgt. Marlon Oronan.
Si Oronan, kasapi ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 6 na nakabase sa Iligan City ay dinukot ng anim na armadong rebeldeng komunista habang nagbabakasyon sa piling ng kanyang pamilya sa Brgy. Pulong Masle, Guagua Pampanga noong nakalipas na Nob. 23, 2005.
Ang nasabing sundalo ay napagkamalang intelligence ng AFP ay napaulat na nilikida ng mga tauhan ng NPA Central Luzon Command matapos na diumanoy itapon ang bangkay sa bulubunduking bahagi ng Guagua. Ang nasabing pinakalat na balita ay psywar lamang umano ng NPA, ayon pa sa opisyal.
Ayon kay de Leon, narekober nila si Oronan sa domestic airport habang dadalhin ng mga teroristang komunista sa Cagayan de Oro City na doon umano ito balak nang palayain ng mga rebelde.
Si Oronan umano ay binigyan pa ng mga rebelde ng P5,000 pamasahe pero tinanggihan niya ito at ibinalik sa isang madre.
Ipinaliwanag ni de Leon na habang nasa Maynila ay hindi nakagalaw si Oronan dahil sa hawak ng mga rebelde ang kanyang pamilya na nagawa namang mailigtas ng mga tauhan ng Marines at ngayoy nasa ligtas ng kalagayan.
Sa kasalukuyan ay nananatiling hawak pa rin ng mga rebelde ang isa pang sundalong bihag na si PAF Major Neptune Eliquin na binihag naman sa Floridablanca noong nakalipas na Hulyo 2. (Joy Cantos)