Ayon kay Manila Vice Mayor Danny Lacuna, dapat ang BPDO ang siyang magsagawa ng istriktong inspeksiyon sa mga boarding house at dormitoryo sa Maynila upang maiwasan nang maulit pa ang naturang trahedya.
Nilinaw pa nito na residential ang nasunog na boarding house noong Linggo at wala itong kaukulang permiso o lisensiya mula sa BPDO.
Nabatid na mayroon lamang na 300 rehistradong boarding house sa Maynila subalit mas marami ang bilang ng mga boarding house at residential houses na walang lisensiya sa Kamaynilaan na ginagawa na ring dormitoryo.
Iginiit pa ni Lacuna na malaki ang pananagutan ng BPDO pagdating sa pag-iinspeksiyon ng mga boarding house upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyanteng nanunuluyan dito.
Hindi rin sang-ayon ang Bise-Alkalde na ang mga barangay chairmen ang siyang magsagawa ng inspeksiyon sa mga boarding house kung rehistrado ang mga ito o hindi dahil sa ang BPDO ang mayroong kapasidad upang magsagawa ng inspeksiyon at magsampa ng mga kaso sa mga may-ari nito.
Ang reaksiyon ni Lacuna ay bunsod sa kautusan ni Mayor Lito Atienza na nag-aatas sa mga barangay chairmen na silang magsagawa ng inspeksiyon sa mga boarding house kung mayroong lisensiya at kaukulang permiso ang mga ito upang mag-operate.
Samantala, nakatakdang sampahan ng kasong kriminal ng Manila Fire Department ang may-ari ng nasunog na dormitoryo na sanhi ng pagkamatay ng walong boarder nitong nakaraang Linggo sa Sampaloc, Maynila.
Sinabi ni Fire Marshall Supt. Pablito Cordeta na sasampahan nila ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and injuries si Juan Manahan, may-ari ng dormitoryo sa may #833 P. Campa St., Sampaloc, Manila.
Sa ilalim umano ng batas, sinumang nagpapaupa ng kanilang mga pag-aaring bahay o gusali ay responsable sa anumang magaganap na insidente.
Ngunit nilinaw ni Cordeta na patuloy pa rin naman ang kanilang imbestigasyon sa insidente. Wala pa naman umano silang nakikitang posibleng naging paglabag ni Manahan sa Fire Safety Code ng nasunog na establisimiyento. (Gemma Amargo-Garcia at Danilo Garcia)