Ayon kay Catanduanes Rep. Joseph Santiago, ito ay batay sa istatistika ng Philippine National Police kung saan susumahin ay umaabot sa total na 100 banko ang natangayan ng P221 milyon sa nakalipas na tatlong taon.
Noong 2004 aniya, 41 na banko at armored vans ang nilooban at hinoldap kung saan umabot sa P59 milyon ang nawala habang noong 2003 ay 37 banko ang natangayan naman ng P72 milyon.
Habang noong 2005 ay umabot naman sa dalawamput dalawang (22) banko ang nilooban kung saan umabot sa P90 milyon ang natangay sa mga ito.
Sangkot umano ang ilang aktibo at inactive police officers at ilan ding miyembro ng militar sa ilan sa mga naganap na holdapan.
Nito lamang nakalipas na buwan, isang miyembro ng elite police special action force, PO1 Dakila Karangalan ang nadakip matapos na masangkot sa P18.7 milyong panghoholdap sa United Coconut Planters Bank sa Makati City noong 2004.
Dahil dito, sinabi ni Santiago na dapat pangunahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa naturang mga panghoholdap.
Sa Estados Unidos aniya, ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ang siyang pangunahing ahensiya na nagsasagawa ng imbestigasyon sa lahat ng bank robberies na kinukonsidera nilang isang federal offense. (Malou Rongalerios)