Mabagal tumagay kinatay

Nasawi ang isang lalaki matapos na saksakin ng kanyang kainuman matapos na maasar ang huli dahilan sa bagal na magtagay ng alak ng una, kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.

Patay na nang idating sa Valenzuela City General Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan si Edwin Frias, 34, factory worker ng Northville 1, Sitio Ibaba, Brgy. Bignay ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Pablito Opiala, kapitbahay ng nasawi.

Batay sa ulat, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maganap ang insidente malapit sa bahay ng biktima.

Nabatid na kasalukuyang nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kapitbahay kabilang ang suspect nang biglang magalit ang huli. Napundi umano ito dahil hindi agad siya natagayan ng biktima kung saan sinita nito ang nasawi.

Nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo hanggang sa umuwi sa kanilang bahay si Opiala.

Umuwi ang suspect at ilang sandali pa ay bumalik ito sa inuman at walang sabi-sabing inundayan ng saksak ang biktima. Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang suspect dala ang ginamit na patalim. (Rose Tamayo)

Show comments