Magkahiwalay na isinugod sa Parañaque Medical Center Hospital at Parañaque Community Hospital ngunit hindi na umabot pa ng buhay ang mga biktima na sina Audrey Juanillo, 3-anyos, residente ng #4113-32, Dumayo St., Brgy. Baclaran at Rolando Cahigao, 5-anyos, ng Block 8, Badone St., 4th Estate Subd., Brgy. San Antonio, kapwa ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na si Juanillo ay ginahasa muna ng suspect bago pinatay sa sakal na naging sanhi ng kaniyang kamatayan, habang si Cahigao naman ay pinagpapalo sa ulo ng matigas na bagay na naging sanhi rin upang masawi ito.
Kasalukuyan namang nakakulong sa Parañaque City Police ang suspect na si Allan Seludo, 20-anyos, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang at nakatira sa Fatima St., Brgy. San Antonio, Parañaque City.
Sa report ng pulisya, nabatid na nakipag-inuman muna ang suspect sa ama ni Juanillo na hindi na nabanggit ang pangalan at pinakain pa ng ama ng bilktima ang suspect.
Nang malingat umano ang ama ni Juanillo ay agad na dinukot ng suspect ang mga paslit dakong alas-10 ng gabi na namataan naman ng mga kapitbahay.
Matapos dukutin ni Seludo ang mga paslit ay dinala niya ang mga ito sa isang alias Ricky sa Fatima St., Parañaque City dakong alas-10:30 ng gabi.
Agad namang dinala umano ng alias Ricky ang mga paslit sa isang Chua Lim na pinaniniwalaang lider ng isang sindikato na dumudukot sa mga bata.
Napag-alaman pa na nakatakda ng ipatubos sa mga magulang ang mga paslit at nang hindi agad matubos ang mga ito ay pinatay na lamang ng suspect na parang mga manok ang mga paslit.
Natagpuang duguan na inabandona sa isang basurahan sa Dela Paz St., likurang bahagi ng JAKA Plaza, Brgy., San Antonio, Parañaque City ang dalawang paslit ng ilang mga residente at agad na dinala ang mga ito sa mga nabanggit na pagamutan subalit kapuwa hindi na umabot pa ng buhay ang mga ito.
Dakong alas-4 naman ng madaling-araw nang madakip si Seludo sa mismong bahay nito sa isinagawang follow-up operation ng Parañaque Police.