Agad na nasawi habang ginagamot sa pagamutan sanhi ng malubhang tama sa batok si Lankey Columbres, 18-anyos, college student at residente ng Batimana compound, Brgy. Marulas, nabanggit na lungsod.
Kapwa naman kritikal sanhi ng mga tama ng shrapnel at bala sa ibat ibang parte ng katawan sa Fatima Hospital at Valenzuela General Hospital ang dalawa pang kasamahan ni Columbres na sina Raymond Maguiddang, 14-anyos, residente ng 11B-8, Gumamela St., Brgy. Marulas, at Gessie de los Santos, 17-anyos, ng #53 Urruria St., Brgy. General T. de Leon, kapwa ng Valenzuela City.
Ayon kay SPO1 Angeles Miranda ng Valenzuela City Police, may hawak ng kaso, ang mga biktima ay naglalakad papauwi sa kani-kanilang mga tahanan mula sa pagdalo ng Misa ng Simbang Gabi dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa kahabaan ng Constantino Drive panulukan ng P. Simon St., Brgy. Marulas nang biglang atakihin ang mga ito ng tatlong kabataang kalalakihan na kinilala lamang sa mga pangalang Ernesto, Tisoy at Jessie.
Nabatid pa kay Miranda na isa sa mga suspect ang naghagis sa mga biktima ng isang improvised explosive, habang agad namang humugot ng baril ang isa pa sa mga suspect at walang habas na pinaputukan ang mga biktima na malubhang ikinatama ni Columbres sa batok sanhi upang masawi ito.
Lumalabas pa sa isinagawang imbestigasyon na sina Maguiddang at de los Santos ay kapwa nagtamo ng malulubhang tama sa likurang bahagi ng kanilang katawan buhat sa mga shrapnel ng improvised explosive at bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Agad na dinala ng ilang mga nakasaksi sa insidente ang mga biktima sa pagamutan subalit binawian naman ng buhay si Columbres habang ginagamot sa Fatima Hospital.
Nabigo namang mahuli pa ng pulisya ang mga suspect sa isinagawang follow-up operation.
Isang masusing imbestigasyon naman ang kasalukuyang isinasagawa ng pulisya upang alamin ang tunay na motibo ng pang-aatake ng mga suspect sa mga biktima, habang inaalam pa ang tunay na pagkakakilanlan ng mga ito.
Murder at frustrated murder ang inihahandang kaso na isasampa ng pulisya laban sa mga suspect.