Sa pahayag ng Manilas Finest Brotherhood Association, nabatid na 50% ng mga traffic cops sa Maynila at iba pang lungsod sa Metro Manila ang tatanggalin sa mga kalsada at gagawing mga ordinaryong pulis sa mga istasyon.
Pawang mga traffic investigator na lamang at mga tauhan sa opisina ng Manila Traffic Bureau ang matitira na siyang 50%.
Maiiwan naman ang responsibilidad sa pagmamando sa daloy ng trapiko sa buong Metro Manila sa mga traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga traffic aide ng mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Manilas Finest President SPO2 Antonio Emmanuel na inaasahan ngayon na lalong magkakabuhul-buhol ang trapiko sa buong Metro Manila pagsapit ng Enero 2006 kapag tuluyang naipatupad ang kautusan.
Sinabi nito na nakatakda siyang makipagpulong ngayong araw kay PNP Chief, Director General Arturo Lomibao sa pagdalaw nito sa MPD ukol sa hinaing ng mga traffic police sa pagtanggal sa kanila sa kanilang matagal nang trabaho sa kalsada.
Bukod sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko, malaking kontribusyon din ng mga traffic police ang paglaban sa krimen sa mga kalsada, police visibility at tanungan ng mga taong nawawala. (Danilo Garcia)