Ginagamot na ngayon sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Horacio Castillo, 36, matapos na mabali ang binti nito dahil sa pagtalon habang nasa state of trauma naman ang asawa nitong si Carmina, mga anak na sina Horacio III at Fatima at mga katulong na nakilala lamang sa pangalang Josie at Lilia.
Sa ulat ng Manila Fire Department, nag-umpisa ang sunog dakong alas-3:35 ng madaling-araw sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroroon ang kuwarto ng mga katulong sa 1137 J. Nakpil at Singalong St., Paco.
Mabilis na kumalat ang apoy sa una at ikalawang palapag ng gusali kung saan napuwersa ang mag-anak na Castillo na manatili sa ikatlong palapag kasama ang dalawang katulong.
Nabatid na unang tumalon sa rooftop si Horacio para makahingi ng tulong, habang nailigtas naman ng mga bumbero ang mga kapamilya ng una.
Umabot naman sa ikalimang alarma ang naturang apoy at tinatayang may P500,000 ang natupok. Dakong alas-6:25 na ng umaga nang tuluyang maapula ng mga bumbero ang naturang sunog.
Dakong alas-11:10 naman ng tanghali nang sumiklab ang isa pang sunog sa may del Pilar St., Tondo kung saan mahigit sa 20 kabahayan ang natupok. Nasawata naman ang apoy dakong alas-12:22 ng hapon kung saan higit sa P1 milyon ang natupok ng sunog. Masuwerte naman na walang nasawi at nasugatan sa pangalawang insidente ng sunog. (Danilo Garcia)