Salvage victim, tinadtad ng bala

Tadtad ng bala ng baril sa katawan ang isang pinaniniwalaang salvage victim nang matagpuan ito kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Inilarawan ang biktima na may edad na 30-35, maikli ang buhok, may taas na 5’2" at nakasuot ng kulay gray na T-shirt, maong pants at puting rubber shoes.

Sa imbestigasyon ni P03 Mario Toriano, ng Quezon Central Police District-Criminal Investigation Division (QCPD-CID) isang fish vendor ang nakapansin ng pag-agos ng dugo sa kalsada mula sa isang bakanteng lote sa Gravel Pit St. Group 13, Brgy. Payatas B, Quezon City dakong alas 5:50 ng madaling araw.

Laking gulat ng vendor nang makita sa nasabing bakanteng lote ang bangkay ng isang lalaki na tadtad ng tama ng bala ng baril sa ulo at katawan. Ayon naman sa QC-Crime Laboratory, ang biktima ay may mga tattoong pangalan sa katawan na "Louie Rosal", "Edward Yao", "Joseph Mendoza", "Henry Santos", "Rey Bata" at Bahala na Gang.

May hinala ang pulisya na sinalvage ang biktima at itinapon lamang sa lungsod upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya. (Doris Franche)

Show comments