Ayon kay Dr. Lito Mangonan, direktor ng nabanggit na ospital, dahil sa mga sintomas na naramdaman nito, positibo sa meningococcemia ang biktimang si Marjori Florano.
Kaya naging negatibo lamang aniya ang lumabas na laboratory test na isinagawa sa San Juan de Dios Hospital ay dahil sa ibinigay nitong anti-biotic.
Sa kanilang pagsusuri kay Florano, positibo itong dinapuan ng naturang nakatatakot na sakit.
Gayunman, sinabi ni Mangonan na walang dapat ipangamba ang publiko dahil nagawa na nilang mapigilan ang posibleng paglaganap ng naturang sakit.
Nanawagan ito sa publiko na huwag mag-panic dahil hindi na aniya ito makakahawa sa iba pang pasyente.
Matatandaan na kamakailan ay pansamantalang sinuspinde ang operasyon sa Pasay City General Hospital dahil sa pagkasawi ng kanilang pasyente ngunit pagkaraan ng isang araw ay bumalik na ito sa normal.
Maging ang kalapit na mga paaralan nito na St. Marys Academy at Sta. Clara School ay pansamantalang sinuspinde ang klase dahil sa matinding pagkaalarma sa posibleng pagkalat ng nabanggit na sakit. (Lordeth Bonilla)