Kilabot na snatcher timbog

Arestado ang isang kilabot na snatcher nang magsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Quezon City Police District-Kamuning Police Station kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod.

Sinampahan ng kasong robbery snatching sa Quezon City Prosecutors Office (QCPO) ang suspect na si Arnel Candado y Genobiagon, 27, tubong Misamis Occidental at naninirahan sa no.11 Jupiter St. Brgy. Dolores, Taytay, Rizal matapos na posiibong kilalanin ng biktimang si Liza Pilapil, 22, ng #45 South 17, Fr. Martinez, Q.C.

Ayon kay Supt. Mario Soriano, hepe ng pulisya, biniktima ng suspect si Pilapil habang nakatayo sa kahabaan ng Mother Ignacia, Brgy. South Triangle dakong alas-2 ng madaling araw.

Bigla na lamang inagaw ng suspect ang hawak na pera ng biktima na nagkakahalaga ng P3,500. Mabilis namang nakuha ng biktima ang plaka ng motorsiklo na UM 2242 ng suspect kung kaya’t nagsagawa ng follow up operation ang pulisya sa pangunguna ni SPO4 Carlito de Castro.

Agad namang namataan ng pulisya ang suspect na nahulihan ng isang caliber 38 na nakasukbit sa kanyang beywang. Posible umanong mambibiktima pa ang suspect sa nasabing lugar. (Doris Franche)

Show comments