Lalaki nang-iwan sa inuman, tinodas

Kamatayan ang naging resulta ng ginawang pang-iiwan ng isang 28-anyos na lalaki sa kanyang kainuman matapos na pagsasaksakin ito ng huli, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Gat. Andres Bonifacio Hospital ang biktimang nakilalang si Rogelio Balatbat, walang trabaho at residente ng Block 9, Lot 18, Model Community, Moriones St., Tondo.

Pinaghahanap naman ang suspect na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen na nakilalang si Brando Sapong, alyas Jimmy, 26.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa bahay ng biktima.

Bago ang krimen, masayang nakikipag-inuman ang biktima kay Sapong ngunit bigla na lamang tumayo ang una at pumasok sa bahay para umihi.

Ngunit tuluyang hindi na ito bumalik sa inuman kaya napikon ang suspect na si Sapong kung saan pinasok nito ang biktima sa loob ng bahay at doon nakita na itong natutulog.

Walang sabi-sabing inundayan ng sunud-sunod na saksak ng suspect ang biktima at saka mabilis na tumakas. (Danilo Garcia)

Show comments