2 sa napatay na carjackers positibo sa powder burns

Positibong nagpaputok ng baril ang dalawa sa tatlong napatay na umano’y mga carjackers sa Pasig City noong Lunes ng gabi.

Ayon kay PNP Crime Laboratory director Chief Supt. Ernesto Belen na lumabas sa isinagawang paraffin test na positibo sa gun powder burns ang kaliwang kamay ng suspect na si Antonio Cu-Unjieng habang si Bryan Anthony Dulay ay positibo ang kaliwa at kanang kamay.

Samantala, kumbinsido umano ang mga forensic experts na buhay pa ang dalawa sa mga nabaril sa Pasig shootout bago ang ikalawang round ng pamamaril, ito’y base sa video ng UNTV. Ayon sa forensic expert, kitang-kita umano sa video na humihinga pa sina Dulay at Cu-Unjieng bago muling pagbabarilin ng mga tauhan ng TMG. Maaaring naisalba pa ang mga suspek kung dinala agad ang mga ito sa ospital.


Sinabi ni Belen na ang bangkay ni Cu-Unjieng ay narekober sa driver’s seat ng Nissan Exalta Sedan na may plakang XDD-828 habang si Dulay ay nakaupo naman sa unahang bahagi ng sasakyan sa tabi ng driver.

Negatibo naman sa powder burns ang ikatlong suspect na si Francis Xavier Manzano na nakaupo sa hulihang bahagi ng sasakyan.

Lumilitaw pa sa imbestigasyon na tanging ang 9mm pistol na nakuha sa kandungan ni Dulay ang pinaputok matapos na magpositibo sa ballistic test, samantalang ang machinegun na narekober naman sa hulihang bahagi ng sasakyan na bagamat nakuha rito ang fingerprints ni Manzano ay hindi pinaputok.

Nabatid pa na ang tatlo ay pinuntirya sa ulo, sina Manzano at Cu-Unjieng ay kapwa tinamaan ng dalawang beses sa ulo at isa naman ang tinamo ni Dulay sa ulo. (Joy Cantos)

Show comments