14-anyos lunod sa ilog

Isang 14-anyos na lalaki ang namatay matapos na malunod habang naliligo sa ilog kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.

Dead-on-arrival sa Alabang Medical Center ang biktimang si Rodelo Maglaya, Jr. ng no. 17 Balimbing Drive, NBP Reservation, Brgy. Poblacion ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay PO1 Roberto Lanting ng Muntinlupa City Police Station-Criminal Investigation Division naganap ang insidente bandang alas 9:30 ng umaga sa isang Ilog sa Katihan St. Brgy. Poblacion.

Naliligo ang biktima kasama ang mga kaibigang sina Albert Galero, Jonathan Radal at Christopher de Castro nang bigla itong sumisid sa ilog.

Nagtaka ang tatlo nang hindi na lumutang pa ang biktima hanggang sa ipasya nilang humingi ng tulong sa barangay. Agad namang nagresponde ang rescue team ng Muntinlupa City Hall hanggang sa makuha si Maglaya na pinaniniwalaang maraming nainom na tubig.

Isinugod pa rin ito sa ospital subalit agad ding binawian ng buhay. (Lordeth Bonilla)

Show comments