Sa isang telephone interview, sinabi ni Jaworski na sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng pagsisiyasat upang makilala ang 40 Pasig police na ang iba ay mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) na sumama sa mga miyembro ng demolition team upang gibain ang mga stalls sa Pasig Public Market na matatagpuan sa San Agustin St., Brgy. Palatiw sa pag-uutos na rin ng DHY Inc. na pag-aari ng mga Yap.
"Grabe yung ginawang panggigipit sa mga vendors, hindi makatao yung ginawang trato sa kanila, kaya tutulungan namin sila. Sa ngayon ay iniipon na namin yung mga pangalan ng mga pulis na kasama sa demolition, pagkatapos niyon ay magsasampa kami ng appropriate charges sa Napolcom," saad ni Jaworski.
Isa pa sa kinuwestiyon ni Jaworski ay ang hindi pagpapakita ng demolition permit ng DHY Inc. kaya humantong sa kaguluhan ang dalawang panig na ikinasugat ng may sampu katao kabilang na si Sr. Insp. Rolito Nobleza na pumutok ang ulo nang mabato ng isa sa mga nanlabang vendor.
Matatandaang nagsagupa ang panig ng vendors at demolition team matapos na tangkaing gibain ng mga huli ang puwesto ng mga una na nauwi sa pagkakasugat ng 10 katao at pag-aresto ng ilang kalalakihan. (Edwin Balasa)