Ayon kay Leonardo Domingo Jr., 38, ng Tondo, Maynila, dakong alas-3 ng hapon nang mapansin niya ang dalawang sako ng bigas na lumulutang sa Manila Bay.
Agad na nilapitan ni Domingo ang nasabing sako at sa pag-aakalang mapapakinabangan ay inilagay niya ito sa kanyang bangkang de motor at nang buksan ng mangingisda ay tumambad sa kanya ang sangkaterbang pulbura ng pampasabog na nababalutan ng plastic.
Agad niya itong isinuko sa himpilan ng Navotas Police.
Base sa mga awtoridad, ang mga nakuhang sangkap sa paggawa ng bomba ay posibleng gagamitin ng mga terorista sa paghahasik ng gulo sa Metro Manila.
Ayon kay District Intelligence and Investigation Division (DIID) ng Northern Police District Office (NPDO) chief, Supt. Alfredo Corpuz may nakalap din silang impormasyon na may isang grupo ng terorista ang nakatakda ring magdala ng mga matataas na kalibre ng baril sa northern part ng kalakhang Maynila.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang matukoy kung sinong grupo ang nagmamay-ari sa mga nasamsam na pulbura ng bomba.
Kaugnay nito, agad namang ipinag-utos ni NPDO director Chief Supt. Raul Gonzales ang red alert status sa kanyang nasasakupan upang mahadlangan ang mga terorista na nakatakdang maghasik ng karahasan sa anumang lugar sa Metro Manila.
Magugunitang inalerto ang mga awtoridad sa Metro Manila dahil sa ulat na ito ang susunod na sasalakayin ng mga terorista.