Ito ay makaraang mahirang bilang bagong Mahistrado ng Court of Appeals (CA) si Judge Ricardo Rosario ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 66 na siyang may hawak sa kaso ni Misuari.
Si Rosario ang ikalawang hukom na itinalaga ng Korte Suprema upang hawakan ang kasong rebelyon ng dating gobernador matapos namang magretiro ang unang hukom na may hawak sa kaso na si Estella Cabuco Andres ng Sta. Rosa, Laguna RTC.
Sinabi ni Department of Justice (DOJ) State Prosecutor Peter Ong na buwan pa lamang ng Agosto nang mahirang sa CA si Rosario ngunit hanggang sa ngayon aniya ay wala pang naitatalagang bagong judge ang Mataas na Hukuman para palitan si Rosario.
Aniya, bunga nitoy nakabitin na naman ang lahat ng nakatakdang pagdinig sa kaso ni Misuari.
Ipinaliwanag pa ng prosecution na malabong maaksyunan ng mababang korte ang kahilingan ni Misuari na makapunta sa Mosque sa Taguig sa darating na araw ng Biyernes para makadalo sa gaganaping pagdiriwang sa pagtatapos ng Ramadan.
Una ritoy humingi na rin ng pahintulot si Misuari kay Justice Sec. Raul Gonzalez para makapunta sa Mosque sa Taguig ngunit hindi naman aniya ito aaksyunan ng kagawaran dahil nasa korte na ang kaso ni Misuari.
Matatandaan na noong Enero 2002 pa nakakulong si Misuari sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna sa kasong rebelyon na kinakaharap nito. (Grace dela Cruz)