Pulis, kalaguyo natagpuang patay sa motel

Isang pulis at ang sinasabing kalaguyo nito ang natagpuang kapwa patay sa loob ng isang kuwarto ng isang motel, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang mga nasawi na sina PO3 Roderick Fermin, nakatalaga sa Caloocan Police Station, habang inaalam pa ang pangalan ng babaeng kasama nito.

Sa ulat ng Manila Police Homicide Section, dakong alas-11 ng gabi kamakalawa nang matagpuan ng mga tauhan ng Pinoy Lodge na nasa Sta. Cruz, Maynila ang bangkay ng dalawa sa loob ng isang kuwarto sa motel.

Nauna rito dalawang magkasunod na putok ang narinig ng mga tauhan sa motel kaya mabilis nilang sinugod ang kuwarto ng dalawa na kapwa naliligo ng dugo.

Ang pulis na si Fermin ay nagtamo ng tama ng baril sa sentido, habang ang babae naman ay binaril sa may nguso.

Ayon sa cashier ng motel, dakong alas-10 ng gabi nang mag-check in ang dalawa sa Room 301. Isang oras ang nakalipas ay narinig nila ang pagsisigawan ng dalawa kasunod na nito ang magkasunod na putok ng baril.

Sa teorya ng mga imbestigador, posibleng selos ang pangunahing ugat ng krimen kung saan nabaril ng pulis ang babae at pagkatapos ay nagpasya na rin itong magpakamatay.

Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung may naganap na foul play sa insidente. (Danilo Garcia)

Show comments