Hanggang sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa rin ng retrieval operation sa kahabaan ng ilog na sakop ng Mandaluyong at San Juan para sa pagkuha sa bangkay ng biktimang si Mark Anthony Verdandino, 11, grade V pupil, habang ang mga labi ng isa pang biktima na si John Ray Manatag, 10, grade IV, ay narekober na kahapon sa may Arroceros pumping station sa Manila.
Sinuwerte namang nakaligtas subalit kasalukuyan pa ring inoobserbahan sa Mandaluyong Medical Center dahil sa dami ng nainom na tubig-baha ang kasama nilang si Adrian Taghoy, 9.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3 ng hapon habang malakas ang buhos ng ulan ay nagkayayaang manguha ng plastic para ibenta ang magkakaibigan sa creek ng Maytunas na matatagpuan sa kahabaan ng Shaw Boulevard, Hagdang Bato Libis, ng nasabing lungsod.
Habang abala sa pangunguha ng mga plastic ay hindi napansin ng mga ito ang biglaang pagtaas ng tubig hanggang abutan sila nito at tangayin ng malakas na agos. Tuluyang tinangay sina Verdandino at Manatag, habang nakakapit naman sa drainage si Taghoy at nasaklolohan ng mga dumaang residente subalit nakainom ito ng maraming tubig baha kaya isinugod sa pagamutan at doon inoobserbahan. (Edwin Balasa)