Grenade explosion: 1 patay, 2 sugatan

Nasawi ang isang mister habang kritikal naman ang asawa nito at 1 pa nilang kapitbahay nang hagisan sila ng granada ng isa sa tatlong hindi nakikilalang lalaki, habang ang una ay nag-iigib kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Namatay noon din sanhi ng tinamong mga tama ng shrapnel sa katawan si Rolly Rondina, 27, habang ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang asawa nitong si Adela, 30 at kapitbahay na si Sherwin Fisolim, 23, pawang residente ng Sitio 6, Brgy. Catmon ng nasabing lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa isang poso malapit sa bahay ng mga biktima.

Nabatid na kasalukuyang nag-iigib ng tubig ang biktima kasama ang misis nito nang lumapit ang tatlong suspect na bago maghagis ng granada ay nagsalita pa ng "magsama-sama kayo sa impiyerno".

Kasunod nito ang isang malakas na pagsabog na dito namatay si Rondina, habang sugatang isinugod ng kanilang mga kapitbahay sa pagamutan sina Adela at Fisolim.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang panggagranada sa mga biktima. (Rose Tamayo)

Show comments