Most wanted arestado

Isa sa most wanted carnapper sa bansa ang nahulog sa kamay ng pulisya matapos na magpanggap na civil engineer, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Kinilala ang suspect na si Napoleon Chavez, alyas Rolando Pacheco, 30, ng Palm Spring St., Merville Park Subdivision, Parañaque City na may patong na P200,000 sa ulo.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng umaga nang madakip si Chavez sa nabanggit na lugar sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Parañaque at Makati City Regional Trial Courts.

Sa rekord ng korte, nabatid na si Chavez ay miyembro ng ‘Alvin Magpayo Group’, isang grupo ng mga carnappers at hijacker na tumitira sa CAMANAVA area.

Nang matunton ng mga pulis, una pa itong nagkaila na siya ay wanted at nagpakita pa ng ID na nagsasabing isa siyang civil engineer, subalit hindi umubra ang kanyang mga palusot sa pulis. (Lordeth Bonilla)

Show comments