2 Tsinoy trader dinukot, ipinatubos

Dalawang negosyanteng Tsinoy ang iniulat na dinukot ng limang kalalakihan na nagpakilalang mga tauhan ng Bureau of Immigration and Deportation (BID)at ipinatutubos ang mga ito kapalit ng kanilang paglaya, kamakalawa sa Pasay City.

Kinilala ang mga biktima na sina Arnel Dy, ng Lucban St. ng nabanggit na lungsod at ang kaibigan nitong si Ding Qiwel.

Samantala, hindi pa nakikilala ang limang suspects na kaagad na nagsitakas.

Ayon sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon nagtungo ang mga kaanak ni Dy na sina Aya at Edwin Li sa Pasay City Police upang ireklamo ang ginawang pagdukot sa mga biktima na naganap sa Lucban St., Pasay City.

Isinakay umano ang mga biktima sa kulay green na Toyota Corolla at kulay pulang Revo na hindi nakuha ang plaka.

Makalipas ang ilang oras makaraan ang naganap na pagdukot sa dalawa ay tumawag sa kanila ang mga suspect kung saan pinagdadala sila ng malaking halaga kapalit ng paglaya ng mga bihag. Inihanda ng mga pulis ang rescue operation, ngunit hindi na natuloy dahil makalipas ang ilang oras ay pinalaya na rin ang mga biktima.

Tumanggi namang kumpirmahin ng mga kaanak ng dalawang biktima kung nagbigay sila ng ransom kaya nakalaya ang mga ito.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya sa nasabing kaso at inaalam din kung tunay ngang tauhan ng BID ang mga suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments