15 nalason sa kare-kare

Labing-limang empleyado sa isang call center ang iniulat na biktima ng food poisoning matapos na kumain ng kare-kare, kamakalawa sa Muntinlupa City.

Ang mga biktima ay pawang isinugod sa Asian Hospital Medical Center at pawang empleyado ng Convergys Call Center Company na matatagpuan sa North Cyber Zone, Filinvest, Brgy. Alabang ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat na natanggap ni Edna Vivo, sanitary health inspector ng Muntinlupa City Health Department, nagkaroon umano ng okasyon sa nabanggit na kompanya kamakalawa ng hapon.

Isa umano sa handa ng nag-cater ay kare-kare na matapos makain ng mga empleyado ay labing-lima rito ang nakaramdam ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga biktima na hanggang ngayon ay inoobserbahan pa ang kanilang kalagayan.

Hanggang sa ngayon ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang sanitary inspection unit ng Muntinlupa City Health Department. (Lordeth Bonilla)

Show comments