Namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang mga biktimang sina Alberto Garcia at isang nakilala lamang sa pangalang Martin, habang ginagamot naman sa Tondo Medical Center ang isa pang biktima na si Alberto Ladyao, 34, pawang mga residente ng Kaunlaran Village ng nasabing bayan.
Agad namang nadakip ang nag-amok na sekyu na si Timoteo Hachero, 32, security guard ng Navotas Flood Control Project at naninirahan sa Bagbaguin, Valenzuela City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa isang bakanteng lote sa kahabaan ng Ayungin St., Kapitbahayan, Kaunlaran Village, Navotas.
Nabatid na nag-iinuman ang mga biktima sa nasabing lugar nang dumating ang suspect at hinahanap ang isang nagngangalang Buboy na umanoy nagkakalat ng tsismis sa kanyang (suspect) misis na may ibang babae siyang binabahay. Dahil sa tsismis ay iniwan umano ng kanyang misis ang suspect.
Nang hindi makita ng suspect ang hinahanap ay ang tatlong biktima ang pinagbalingan ng galit. Agad na nagbunot ang sekyu ng kanyang baril at saka pinaulanan ng bala ang tatlong nag-iinuman.
Agad din namang naaresto ang suspect ng mga nagrespondeng barangay tanod. (Rose Tamayo)