Coed nabundol habang nagte-text

Nasawi ang isang babaeng estudyante ng Far Eastern University (FEU) matapos na mabunggo ng isang 10-wheeler truck habang umano’y nagte-text, kahapon ng hapon sa Sta. Mesa, Maynila.

Sa inisyal na ulat na nakalap, nakilala ang biktima na si Jennylyn Edquilag, 16, 1st year student sa FEU at residente ng Teresa St., Sta. Mesa, Maynila.

Hawak naman ngayon ng mga awtoridad ang suspect na si Zaldy de Guzman, driver ng truck na may plakang WMH-968. Inihahanda na ang kaukulang kaso laban dito.

Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng hapon sa may panulukan ng Pureza at Ramon Magsaysay St., Sta. Mesa.

Ayon sa mga saksi, tumatawid umano ng kalsada ang biktima ngunit nagte-text ito nang mabangga naman ng humaharurot na truck na minamaneho ni de Guzman.

Basag ang bungo ng biktima sa lakas ng pagkabangga sanhi ng agaran nitong kamatayan.Tumalsik din ang cellphone nito, tanda na hawak nito ang telepono nang maganap ang insidente.

Nabatid pa na bunso sa magkakapatid at nasa ibang bansa pa ang ina nito. (Danilo Garcia)

Show comments