Sa inisyal na ulat ni Supt. George Dadulo, hepe ng Quezon City Police-District-Talipapa Police Station 3, nakipag-ugnayan na sila sa Department of National Defense upang agad na madakip ang suspect na si T/Sgt. Froilan Oliva, 25, residente ng Asamba Compound, Sitio Mendez, Baesa, Quezon City.
Halos matanggal naman ang ulo ng mga nasawi na sina Maximo Anod, 43; at Nestor Aranes, 41, na kalapit-bahay at kaanak din ng rape victim.
Sugatan naman si Shirley Ilicay, 35, may-ari ng nasabugang bahay na nasa Sitio Pajo, Baesa, Brgy. Talipapa, Quezon City.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng Quezon City Police District na naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa Sitio Pajo.
Nabatid na may relasyon umano si Oliva sa 14-anyos na anak ni Ilicay, sa kabila nito ay sinampahan ang suspect ng kasong rape.
Ito marahil ang dahilan kaya nagalit si Oliva at hinagisan ng granada ang bahay ng pamilya Ilicay.
Naniniwala ang pulisya na isinagawa ng suspect ang pagpapasabog ng granada para patahimikin na ang mag-ina.
Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang pagpapasabog at siya ngayong target ng manhunt operation ng pulisya. (Doris Franche)