Dahil dito, naging emosyunal ang pagtatagpo ng batang itinago sa pangalang Harold at mga magulang nito nang makatakas sa lupit ng kanilang kasera na kinilalang si Alfred Aries, 54, ng Hereford St., Brgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District Baler Station 2, nakatakas ang biktima sa kalupitan ng suspect noong nakaraang Linggo ng gabi. Dumaan pa umano ito sa bubong ng bahay para lamang makabalik sa kanyang mga magulang na mahigit tatlong linggo nang naghahanap sa kanya.
Nabatid na noong Setyembre 2, dakong alas-9 ng gabi nang hindi na makauwi sa kanilang bahay ang paslit. Lingid sa kaalaman ng mga magulang nito, ikinulong ng suspect ang biktima sa isang garahe sa harap ng Bago Bantay Elementary School sa Ilocos Norte St. Brgy. Ramon Magsaysay.
Hindi umano ito pinakain bukod pa sa madalas na gulpi na inaabot nito sa suspect. Binanggit pa ng bata na sinasabi sa kanya ng suspect na kailangang makabayad ang kanyang mga magulang sa upa nila sa bahay at hanggat hindi ito nangyayari ay ipipiit siya sa nasabing garahe.
Pilay ang kanang paa ng bata tanda na pinalo ito ng matigas na bagay.
Nagkaroon lamang ng pagkakataong makatakas ang bata nang makakawala sa pagkakatali sa kanya at sinamantalang wala ang suspect sa bahay at sa bubungan ito dumaan.
Agad namang nadakip ang suspect na nahaharap sa kasong abduction, serious illegal detention in relation with RA 7610 o mas kilala sa tawag na Child Abuse Law. (Angie dela Cruz)