Nakilala ang biktima na si Ezekiel Basco, 28, kawani ng SuperFerry, at anak ni PSN Probinsia Editor, Mario Basco.
Hindi naman nakilala ni Basco ang dalawang pulis na miyembro ng MPD-Mobile Patrol Unit at sakay ng patrol car na may plakang SEE-596 at may body number na WPD-330.
Ayon sa biktima, dakong alas-3 ng hapon nang sumakay siya sa isang jeep papauwi buhat sa Quiapo nang sitahin siya ng dalawang pulis dahil sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo.
Pinababa siya ng mga ito at isinakay sa patrol car kung saan dadalhin umano siya sa MPD Headquarters. Sa halip, dinala siya ng dalawa sa tapat ng SM Manila sa likod ng Manila City Hall at hiningian ng P3,000 para makalaya at hindi na sampahan ng kaso.
Tanging P500 lamang ang kanyang naibigay dahil ito na lamang ang kanyang natitirang pera na tinanggap ng dalawang pulis at sinuklian pa siya ng P100 para may pamasahe siya pauwi. Tinangka pa umanong kunin din ng dalawang pulis ang kanyang cellphone ngunit hindi na niya ito ibinigay.
Nang tawagan ang opisina ng Mobile Unit ng MPD na nasa ilalim ng pamumuno ni Supt. Co Yee Co, hindi ibinigay ng mga ito ang pangalan ng dalawang pulis na siyang sakay ng naturang patrol car ng oras na maganap ang hulidap. (Danilo Garcia)