Mukha ni misis plinantsa ni mister

Bukod sa matinding gulping tinamo, plinantsa pa ang mukha ng isang ginang ng kanyang selosong mister, kamakalawa sa Pasay City.

Nakilala ang biktima na si Rebecca Tamesis, 37, ng 206 I. Reyes St., Pasay City.

Dahil sa tuluyang napuno na ang salop, ipinagharap na nito ng reklamo ang kanyang mister na si Gilfredo Tamesis, 52, construction worker, na mabilis namang tumakas matapos ang ginawa sa kanyang pagmamalupit.

Sa reklamo ng ginang, nabatid na nagsimula ang kanyang kalbaryo sa mister noon pang 1993, hindi lamang nito mahiwalayan dahil sa may mga anak sila.

Ipinagtapat pa nito na sa tuwing malalasing ang kanyang mister ay bigla na lamang nagseselos ito at lagi siyang ginugulpi.

Kamakalawa dakong alas-7 ng gabi habang namamalantsa umano siya sa loob ng kanilang bahay ay dumating ang kanyang mister na lasing. Bigla umanong inagaw sa kanya ang plantsa at saka idinikit sa kanyang mukha. Kahit na namimilipit siya sa kirot ay patuloy pa ring ang panggugulpi sa kanya ng suspect at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Hindi na umano kaya pang tiisin ng ginang ang pagmamalupit ng kanyang mister kaya nagpasya siyang ipagharap ito ng reklamo.

Pinaghahanap na ngayon si Gilfredo para panagutan ang ginawa niya sa kanyang misis. (Lorderth Bonilla)

Show comments