Freelance model nagpakamatay

Isang freelance model ang iniulat na nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon mula sa gusaling kanyang tinutuluyan kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Basag ang bungo, lasug-lasog ang katawan at hubo’t-hubad nang makita ang biktimang si Liana Liyam Lhatam, 27, tubong Olongapo City, half-Filipina-half Indian at naninirahan sa Rm. 201 Quito Condominium Roosevelt Avenue, Brgy. San Francisco del Monte sa nabanggit na lungsod. Patay na ito nang idating sa St. Agnes Hospital.

Ayon kay Chief Inspector Rey Medina, ng Quezon City Police District naganap ang insidente dakong alas-10 kamakalawa ng gabi.

Nabatid ng pulisya mula sa mga kaibigan ng biktima na mag-isa lamang itong naninirahan sa naturang condominium matapos na humiwalay sa kanyang mga magulang 10-taon na ang nakakalipas. Sa pag-iisa umano ng biktima ay naging alcoholic ito at natutunan din ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Bago ito tumalon mula sa ikatlong palapag ng gusali ay nakita pa itong naglalakad ng hubo’t hubad. Pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ang biktima nang tumalon ito sa gusali.

Napag-alaman pa na marami umanong problema ang nasawi. Iniwan nito ang kanyang 5-anyos na anak sa kalinga ng kaibigan niyang si Ernesto Gomez matapos na humiwalay sa asawa.

Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para tiyaking walang naganap na foul play sa insidente. (Doris Franche)

Show comments