Sinabi ni Philippine Tourism Authority (PTA) General Manager Robert Dean Barbers na malaki ang epekto ng masamang imahe ng pulisya sa bansa sa mata ng mga turista na siyang target umano na pagkakitaan ng mga scalawags na pulis.
Kabilang dito ang patuloy pa ring nagaganap na hulidap operation ng mga tiwaling pulis. Inihalimbawa pa ni Barbers ang umanoy pagpigil ng mga patrol police sa mga turista na namamasyal sa isang tourist spot sa Metro Manila tulad ng Malate at hahanapan ng papeles.
Sa ganitong pagkakataon umano ay tinataniman ang mga turista ng ilegal na gamot o kaya ay lumilikha ng mga imbentong kaso kung saan hihingan ng malaking halaga para makalaya.
Tinuligsa rin nito ang isinasagawang operation bakal o laban sa mga baril ng pulisya sa mga night spots kung saan nagiging masama ang epekto sa mga turista kapag napapanood sa telebisyon ang kanilang mga kababayan na kinakapkapan ng mga pulis na mistulang kriminal.
Ginawa ni Barbers ang panawagan kasabay ng pinangangambahan nilang pagbagsak ng industriya ng turismo dahil sa patuloy na masamang imahe ng bansa dulot ng kaguluhan sa pulitika, banta ng terorismo at hindi epektibong seguridad para sa mga turista. (Ulat ni Danilo Garcia)