Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tinamong tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa batok ang biktima na si Carlito Adique, 47, may-ari ng Adique Security and Detective Agency, tubong-Masbate at naninirahan sa Block 3 Lot 6 16 Venus St., Brgy. Karuhatan, nasabing lungsod.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang gunmen na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Batay sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa kahabaan ng Ilang-Ilang St., Brgy. Karuhatan, Valenzuela City.
Sa salaysay ni Jocelyn, 46, asawa ng biktima, na kasalukuyan silang patungo sa tanggapan ng kanilang security agency nang bigla na lamang silang harangin ng mga suspect na pawang armado ng baril.
Isa sa mga suspect ang pumuwesto sa harapan ng mag-asawa, habang ang isa naman ay gumawi sa likuran na siyang agad na tumutok ng baril sa batok ng biktima at barilin ito.
Matapos ito, mabilis na tumakas ang mga suspect patungo sa Milestone Subdivision, Brgy. Maysan, Valenzuela City, habang ang biktima ay agad na isinugod sa Valenzuela City General Hospital, VCG) ngunit makalipas ang ilang sandali ay inilipat din ito sa MCU dahil sa maselan nitong kalagayan.
Ayon pa kay Jocelyn, kadarating lamang umano ng biktima mula sa Masbate at nitong nakaraang araw ay napansin nito na may bagong mukha ng mga personahe na umaali-aligid sa kanilang bahay.
Inamin din ni Jocelyn sa pulisya na isa sa mga "trusted man" ni Gov. Kho ang kanyang mister at malaki umano ang paniniwala ng una na vendetta at may kaugnayan sa pulitika ang pananambang sa kanila. (Ulat ni Rose Tamayo)