2 sekyu biktima ng ‘Agaw-armas gang’

Dalawang security guard ang natagpuang patay at pinaniniwalaang biktima ng Agaw-armas gang, sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Ponciano Requisma, ng Bayani St., Brgy. Sto. Niño, Quezon City at Nido Albaes, 35, guwardiya sa Uratex. Si Requisma ay nagtamo ng saksak sa leeg, habang si Albaes naman ay nagtamo ng tama ng bala ng baril.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-8 ng gabi nang makita ang duguang bangkay ng biktimang si Requisma sa No. 12 Biak na Bato St., Brgy. Sto. Niño. Wala ang baril nito at iba pang personal na gamit.

Samantala, matapos ang 15 minuto, dalawang putok naman ng baril ang narinig ng mga residente sa outpost ng Miller St., Brgy. Bungad. Nawawala rin ang service firearms ni Albaes.

Naniniwala ang mga awtoridad na iisang grupo lamang ang responsable sa pamamaslang sa dalawa. Isang follow-up operation ang isinasagawa ng mga awtoridad. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments