Sa panayam kahapon kay Mariano Gui, MRT spokesman, sinabi nitong nakipagpulong na sila at ang pamunuan ng LRT sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na kung maaari ay gawin na lang hanggang alas-11 ng gabi ang operasyon ng nasabing tren imbes na alas-12 ng hatinggabi.
Dagdag pa ni Gui na naaapektuhan na ang maintenance at safety measure ng kanilang tren sa hanggang alas-12 ng gabing operasyon dahil kinakailangan pa nilang inspeksyuning maige ang lahat ng facilities ng mga nasabing tren pati ang riles nito pagkatapos ng operasyon.
"Nagsa-suffer yung maintenance namin dun sa bagong oras kasi after ng 12:00 midnight kailangan pang inspeksiyunin station by station yung mga railings ganun din yung buong tren para sa safety ng mga passengers," saad ni Gui.
Ayon naman kay Mel Robles ng LRT, gayundin ang kanilang problema dahil paglagpas ng alas-10 ng gabi ay halos wala nang sumasakay sa kanilang tren dahil halos puro estudyante ang kanilang pasahero.
Matatandaang kamakailan ay ginawang hanggang mula alas-5:30 ng madaling-araw hanggang alas-12 ng hatinggabi ng DOTC ang operasyon ng MRT at LRT bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pagtitipid ng gasoline, mas mabuti umano na sumakay na lang sila ng nasabing mga tren imbes na magdala ng sasakyan.
Dagdag pa ng mga opisyal ng MRT at LRT na kung maaari ay ibalik na lang ito sa dating operational hours na 5:30 a.m. hanggang 10 ng gabi. (Edwin Balasa)