Sinabi ni Dr. Enrico Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC) na masusi nilang tututukan ang mga ospital na tumatanggap ng mga dengue patient upang mabatid kung sapat ang ginagawang panggagamot sa mga ito.
Mag-iikot umano ang isang team mula sa DOH upang ma-monitor kung sapat ang panggagamot ng mga ospital at nabibigyan ng kaukulang pangangalaga ang mga dengue patients lalo na ang suplay ng dugo.
Ang hakbang ng DOH ay bunsod sa pagrereklamo ng pamilyang Hermosura sa ginawang pagpapabaya ng Philippine Childrens Medical Center (PCMC) na dahilan ng pagkamatay ng kanilang 2-taong gulang na anak na si Gerald Vincent.
Sinabi ni Dr. Tayag na dapat mas bigyan ng atensiyong medikal ang mga isinusugod sa emergency room lalo na sa mga isinusugod na dengue victims at hindi ito dapat humingi ng anumang deposito ang mga ospital maging ito man ay gobyerno o pribado.
Iginiit nito na lubhang nakakabahala ang pag-akyat na muli ng kaso ng dengue dahil umabot na sa 197 ang namamatay dito at mahigit 14,987 kaso ng dengue ang naitala ngayon sa loob lamang ng dalawang linggo.
Pinangangambahan ni Dr. Tayag na maaaring umabot sa 2,000 kaso ang naitala bago pa man matapos ang buwan ng Agosto.
Kaugnay nito, bigo pa ring makakuha ng medical certificate ang pamilya Hermosura sa PCMC dahil humihingi ng P17,000 ang ospital bago isyuhan sila ng sertipiko. (Gemma Amargo-Garcia)