P3-M halaga ng video karera, winasak

Tinatayang mahigit sa P3 milyon halaga ng video karera machines ang nasamsam ng mga elemento ng pulisya sa serye ng operasyon sa Metro Manila ang winasak kahapon sa harapan ng grandstand ng Camp Crame.

Ayon kay PNP Chief Director Gen. Arturo Lomibao, ang pagwasak sa nasabing mga video karera ay bahagi ng pinalakas na kampanya laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal sa bansa.

Pinangunahan ni Lomibao kasama ang iba pang opisyal ng PNP sa ginawang pagwasak sa may 125 video karera machines at iba pang electronic machines na minaso sa harap ng mga mamamahayag.

Nauna nang binuo ni Lomibao ang PNP Anti-Illegal Gambling Special Operations Task Force sa ilalim ng pamumuno ni Chief Supt. Florante Baguio bilang patunay na determinado ang pambansang pulisya na sugpuin ang pamamayagpag ng iba’t ibang uri ng ilegal na sugal.

Iniulat naman ni NCRPO chief Director Vidal Querol na umaabot sa 242 video karera machines ang kanilang nasamsam sa Metro Manila sa nakalipas na tatlong buwan,

Nabatid na mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan ay may 8,460 anti-illegal gambling operations ang naisagawa ng PNP na nagresulta sa pagkakasakote sa kabuuang 8, 294 katao at 29 financiers.

Naitala naman sa P5.6 milyon cash bets ang nakumpiska, 3,382 kaso ang naisampa sa korte sa loob ng anim na buwan sa taong kasalukuyan.

Patuloy naman ang pagpapatupad ng PNP one-strike policy laban sa mga hepe ng pulisya na mabibigong masugpo ang pamamayagpag ng ilegal gambling partikular na ang jueteng sa kanilang hurisdiksyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments